Quantcast
Channel: Typhoon Bising reenters PAR, prompting new warnings for Batanes
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3242

[Tabas ng Dila] Controlling the narrative

$
0
0

Hindi pa rin tayo matututo.

Sa pagkilala natin sa kandidato, hindi pa rin tayo makalalagpas sa level ng tarpaulin, pamimigay ng kamiseta’t ayuda, pagiging katuwang sa kasal o binyag, sa dami ng patalastas at pelikula, at scripted na caucus. Bagamat kilala na natin ang iba sa kanila dahil sa kanilang maaskad na pagkatao, patuloy pa rin silang mananalo, batay sa resulta ng pinakahuling survey ilang araw bago ang eleksiyon.

Kilala natin ang mga nangungunang kandidato kahit hindi sila uma-attend sa mga forum, sa halalang lokal man o sa pansenado. Kilala natin batay lamang sa kung ano ang gusto nilang ipaalam at ipakilala. Kontrolado nila ang naratibo ng pagpapakilala.

Hindi nila gustong makilala sa mga forum na may totoong Q&A, iyong hindi scripted, iyong uusisain kung ano talaga ang nalalaman nila tungkol sa isyung panlipunan at sa posisyong inaasam. O kung talaga bang may alam gawin sa buhay. Ang mahalaga kasi sa marami sa atin, hanggang sa loob ng presinto o sa pagbuo ng listahan ng iboboto, natatandaan ang apelyido. Kaya nga sa survey, bukod sa trip iboto, sinusukat din ang awareness sa pangalan ng kandidato.

Kasi nga, bakit pa? Nangunguna na sa survey, popular na, maraming pelikula’t ipinamigay na jacket, maraming kontrobersiyal na reel sa internet, iboboto na sila kahit na corrupt at basyo ang bungo at pagkatao, iboboto dahil sa politikong tatay, asawa, pinsan, kabit, bayaw.

Tagos hanggang lokal

Itong panahon ng kampanyahan, dalawang beses akong nanood ng caucus sa barangay namin sa lalawigan. Scripted, natural, kaunting spiel sa pag-greet sa mga nanonood. Carefully timed ang pananalita ng mga kabilang sa nangungunang partido. Limang minuto. Tumagal lang nang kaunti ang sa mayor. Walang tanong-tanong, pero may sayaw-sayaw — walang biro, may arkiladong dance group.

Sa totoo lang, mas magaling pa tayo bilang audience ng beauty contest o beaucon, lalo na sa tanungan portion at involved tayong nakapanood, real-time tayong nakakapag-comment, sumasabay sa trending, nakikipagbardagulan sa kalaban; mas kritikal tayo sa sagot ng mga pambato natin mula binibining barangay hanggang uniberso (Miss Universe, kahit pa earthlings lang naman talaga ang mananalo). Naiinis tayo kapag kinabahan ang pambato natin sa beaucon, nabulol, nalito, na-wrong grammar, o sablay ang diskurso o taliwas sa politika mo na akala mo ay may stake sa iyong kabuhayan at dignidad ang kanilang pagwawagi.

Pero hindi tayo ganito sa mga kandidatong gagastos sa buwis natin at tunay na may stake tayo kapag nagwagi.

Sapat nang kumaway sa atin sa motorcade o makamayan tayo sa house-to-house. Sapat nang mag-budots sa miting de avance habang masayang-masaya tayong ine-entartain. Awang-awa ang marami sa atin kapag nagdrama na sa harap ng camera. Nakakadismaya.

Controlling the narrative

Malinaw naman sa akin ito. Dahil ano ba ang kampanya kung hindi pagkontrol sa naratibo? Mula hitsura, slogan, bukambibig, plataporma kung meron, tindig, pagtuligsa sa kalaban, kulay ng damit at poster, jacket na ipamimigay — lahat ito ay nakadisenyo bilang isang naratibo ng pagkatao ng kandidato. Ginagastusan ito ng kandidato kaya dapat lang na siya ang kumontrol dito. Hindi ganito ang candidates’ forum at debate.

Sa forum o debate, kahit anong aral sa isyu, maaari silang mabatuhan ng tanong na wala sa pinag-aralan. Maaaring maiba ang naratibo. At ang kawalan ng control sa naratibo ay magtatanghal sa kanilang kahinaan, taliwas sa carefully crafted nilang personalidad. Bakit pa nga naman sasailalim sa posibleng kahihiyan kung puwede namang manalo na hitsura o pera-pera lang?

Hindi lang ito sa halalang pambansa. Hanggang lokal na eleksiyon, kailangan ang narrative control.

Bahagi ako ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa bayan namin sa Quezon. Noong huling eleksiyong 2022, co-chairman ako sa candidates’ forum. Manapos-napos na noon ang pandemya. Naka-facemask pa kami sa pag-record ng video na ipalalalabas sa madla. Byword pa noon ang katagang social distancing. Nang gawin sa loob ng malaking simbahan sa Lucban ang forum para sa kandidatong konsehal, walang live audience. Mga aparato lang na gamit sa FB Live na pinanonood ng mamamayan ang naroon.

Astang thesis defense ang recorded forum para sa mayor at vice mayor. Ako ang chair ng panel. May inihanda kaming maraming tanong batay sa pananaliksik ng mga volunteer hinggil sa isyu ng iba’t ibang sektor: magsasaka, negosyante, guro, mag-aaral, manggagawa.

Marami kaming naipong tanong, at kung talagang walang alam ang kandidato, mangangamote. Nagkaroon pa ng panayam sa magsasaka at sa isang nagtitinda sa palengke na ini-record sa video. Ipinasagot sa bawat kandidatong mayor. Sa mga ganoong tanungan mo makikita ang kahandaan ng kandidato sa pinasok niyang posisyon. Telling din ang non-verbal cues: hindi mapakali, pinapawisan, nabubulol, nananahimik, napapakamot sa ulo, pangiti-ngiti habang nangangapa ng sinasabi. Aangat ang alisto. Aangat lalo ang may sustansiya ang sasabihin. Hindi dumalo ang noo’y pinatakbong asawa ng three-term mayor. Talo.

Kung mahina ang kandidato, malaking campaign mileage ang forum. Kung mahina, at kung hindi naman showbiz at kasya lang sa PUJ ang dami ng kamag-anak, factor talaga ang laman ng utak.

Ginagawa naman talaga natin ito. Ganito tayo kapag nag-a-apply sa trabaho. Kinakabahan, pinaghahandaan, may sagot na sablay; kung nakapuntos tayo, ang gantimpala ay ikokonsidera o tatanggapin tayo sa trabaho. Aplikante ang mga kandidato.

Very much in control

Sa malawak ang makinarya, sa mga nangunguna, hindi nila hahayaang mawala ang control nila sa naratibo. Kung saan sila nakilala, kung ano ang campaign line, kung ano ang paulit-ulit na slogan, iyon lang ang mahalaga. Inyo na ang forum. Ramdam natin ito noong 2022 nang dedmahin ng mga nagsipanalong presidente at bise presidente ang karamihan sa mga debate. Noong ang bawat pangungusap ay nabubudburan pa ng salitang “unity.”

Kaya naman dapat seryosohin ang forum. Habang isinusulat ko ito, nakatakda muli ang forum sa bayan namin. Ako uli ang lead panelist. Pinakamasungit. Diretsuhan. Dahil hindi ako linyado at talaga namang hindi taal sa bayan, wala akong sasantuhin o didiinan. Pero heto na. Bali-balita ang hindi pagdalo sa candidates forum ng buong ticket ng incumbent. Walang maibigay na dahilan kung bakit dededmahin ang panawagan ng PPCRV para pakinggan ang kanilang isasagot sa mga tanong na mula din naman sa kanilang nasasakupan.

Naiintindihan ko ito kung babasahin sa lente ng kampanya. Poised to win na, bakit pa nga naman paliliitin pa ang tsansa? Hayaan na lang sa mga kandidatong naghahabol, sa mga independent at kulang ang makinarya. Sa mga hindi dadalong kandidato, kampanya lang ito at hindi commitment sa kanilang mamamayan. Madali nga namang idaan sa painom kapag naiproklama na at wala na ang liquor ban. Madaling lasingin ang sambayanan.

May mensahe maging ang pagdedma sa forum. Pangunahin na rito ang hindi pagrespeto sa mamamayang gusto lang namang malaman kung may alam ba ang kanilang pasusuwelduhan ng buwis higit sa tarpaulin, kamiseta, at piniratang jingle.

Pero, matapos ang lahat ng ito, hindi pa rin tayo matututo. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3242

Trending Articles